Baril na nakuha mula sa napatay na kagawad, iniuugnay sa jailbreak sa North Cotabato

FILE PHOTO | BJMP
FILE PHOTO | BJMP

Napag-alaman ng mga pulisya na ang rifle na nakuha nila mula sa isang barangay kagawad habang nagsasagawa sila ng manhunt operation sa mga tumakas na preso mula sa North Cotabato District Jail (NCDJ), ay may kaugnayan sa pag-atake sa nasabing preso.

Ayon kay North Cotabato police provincial director Senior Supt. Emmanuel Peralta, tumugma ang M-14 rifle na nakuha nila sa tabi ng katawan ni Satar Manadulong na kagawad ng Barangay Patadon, sa mga basyo ng balang narekober sa nangyaring jailbreak sa NCDJ noong January 4.

Gayunman, hindi pa naman malinaw ayon kay Peralta kung mismong si Manalundong ay may kinalaman sa pag-atake, dahil kumakalap pa ng mga ebidensya ang mga imbestigador.

Una nang itinanggi ng asawa ni Manalundong na nag-iingat ng armas ang kaniyang mister na miyembro rin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Giit ng misis niya, tumutulong lamang ito sa mga pulisya sa paghahanap sa mga preso sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa kung saan maaring dumaan ang mga ito.

Samantala, muli namang naaresto ng mga pulis ang isa pang presong nakatakas, kaya umakyat na sa 61 ang bilang ng mga rearrested at napatay na preso bunsod ng kanilang manhunt operations.

Nakilala ang preso na si Kentol Guiamad Esmael, na nahuli ng mga pulis sa bayan ng Pigcawayan sa North Cotabato.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga pulis sa 97 na natitira pang pugante.

Read more...