Tinatalakay na sa House Ways and Means Committee ang tax reform package ng Duterte administration, na target na maipatupad simula sa July 2017.
Ang naturang package ay nasa ilalim ng House Bill 4774 na inihain sa Kamara ni Ways and Means Committee Chairman Dakila Carlo Cua, na nakabatay sa isinumiteng proposal ng Department of Finance.
Kabilang sa reporma sa pagbubuwis na isinusulong ng gobyernong Duterte ay ang pagpapababa ng income tax depende sa bracket ng sahod.
Ang sumusweldo ng 250,000 pesos kada taon ay wala nang income tax, base sa panukala.
Kasama rin sa reporma ang pagpapataw ng mas mataas na excise tax sa produktong petrolyo, subalit gagawing staggered ang implementasyon nito hanggang sa January 2019.
Ang premium at unleaded gas ay itataas sa 7 pesos ang excise tax kada litro ngayong taon, samantalang magiging 9 pesos sa 2018 at 10 pesos sa 2019.
Ang diesel at LPG ay mapapatawan na ng excise tax na 3 pesos kada litro umpisa ngayong 2017, at magiging 5 pesos ito sa 2018 at 6 pesos na sa 2019.
Tinitiyak naman sa proposal na hindi na aalisan ng VAT exemption ang mga senior citizens at PWDs, taliwas sa orihinal na proposal ng DOF.
Inaasahan din ang mainitang pagtalakay sa pagpapaluwag ng Bank Secrecy Law para masilip ng BIR ang alinmang account sa bangko na kailangan nitong makita kung kinakailangan.