Umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa pagsabog ng liquefied petroleum gas (LPG) refilling station sa Sandoval Ave., Pasig City noong nakaraang linggo.
Ang mga nasawi ay pawang kabilang sa mga naunang iniulat na kritikal ang kalagayan dahil sa natamong pagkakasunog ng malaking bahagi ng kanilang katawan.
Kabilang sa kanila ang LPG Marketers’ Association (LPGMA) officer in charge na si Jeffre Eugenio na empleyado rin ng Omni Gas Corp. na pumanaw noong tanghali ng Lunes.
Gayundin ang kinahinatnan ng tatlong iba pang fire volunteers ng LPGMA na sina Alejandro Conrad na pumanaw noong Lunes ng hapon at Joel Eda na nasawi noong Martes ng umaga; at William Khay na pumanaw naman sa Philippine General Hospital noon pang Miyerkules.
Kinilala ang iba pa na sina Romeo Eugenio, Camilo Alcaraz Jr., at Jectopher Caoili na pawang mga nasawi sa Quirino Memorial Medical Center.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), at kabilang sa kanilang tinitingnang anggulo ay “improper maintenance.”
Nangyari ang insidente noong January 11, sa LPG refilling station ng Omni Gas Corp. na pag-aari ni LPGMA partylist group Rep. Arnel Ty at ng kaniyang pamilya.