Ipinadeport na ng Bureau of Immigration (BI) ang mahigit 100 na Chinese nationals na pawang mga illegal workers sa casino ni gambling tycoon Jack Lam sa Clark Pampanga, na umano’y nagpapatakbo ng illegal online gambling.
Bukod sa nasabing mahigit 100, mayroon na ring 19 mula sa nahuling 1,316 na Chinese workers ang nauna nang naipa-deport ng BI.
Patuloy naman ang mga isinasagawa pang proseso ng Immigration para maipa-deport na ang lahat ng mga nasabing illegal workers, na nahuli sa Fontana Leisure Parks and Casino na pag-aari ni Lam noong November 24.
Nahaharap sa iba’t ibang mga kaso ang mga nasabing Chinese nationals, kabilang na ang overstaying, paglabag sa mga limitasyon at kundisyon ng kanilang visa, at maging ang pagtatrabaho sa iligal na online gambling operations.
Samantala, pinaghahanap pa naman ng mga otoridad si Lam na sa ngayon ay hindi pa rin bumabalik sa bansa.