Tiniyak ng Malacañang sa mga residente sa Northern Mindanao na sisikapin nilang maibalik sa normal ang kanilang mga buhay.
Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, gagawin lahat ng gobyerno para masiguro na maibabalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente lalo na ngayon na gumaganda na ang panahon at nadadaanan na ang mga kalsada sa probinsya.
Kagabi ay nalubog sa baha ang ilang probinsya sa Northen Mindanao partikular na ang Cagayan De Oro City.
Mahigit apat na libong residente ang napinsala ng malawakang pagbaha sa Cagayan De Oro City dahil sa malakas na pag-ulan.
Ayon pa kay Abella, dahil isinailalim na sa state of calamity ang CDO, nagbibigay na ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong pamilya sa Region 10.
Naka-prepositioned na aniya sa Misamis Occidental, Camiguin Island, Iligan at Bukidnon ang aabot sa 3,200 na sako ng bigas.
Bukod dito, sinabi din ni Abella na mayroong inihanda ang DSWD na 9,000 family food packs, 2,000 dignity kits at stand-by fund na pitong milyon piso.
Kagabi naman nakatakdang ipadala ang mga dignity kit at food packs sa mga apektadong pamilya ng pagbaha sa Northern Mindanao.