Alvarez, itinanggi ang pagiging Executive Secretary

pantaleon alvarezTinawanan lang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang kumakalat na usap-usapang itatalaga siya bilang bagong Executive Secretary sa Malacañang.

Kasama rin sa nabanggit sa naturang usap-usapan ay na si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang papalit sa babakantehing posisyon ni Alvarez sa Kamara.

Sa isang text message na ipinadala ni Alvarez, tinawanan at pinasinungalingan lang niya ang balitang ito, at sinabing demotion ito para sa kaniya sakaling ito ay mangyari.

Kumalat kasi ang text message na nagsasabing si Alvarez ay mapo-promote bilang Executive Secretary, habang si Arroyo ang magiging House Speaker, at ang kasalukuyang Executive Secretary naman na si Salvador Medialdea ay matatalaga bilang Supreme Court Justice.

Nauna na ring may lumabas na ganitong usap-usapan noong nakaraang taon, na mariin namang itinanggi ni Arroyo, kasabay ng pag-giit na wala siyang planong maging House Speaker.

Read more...