Underwater search para sa MH370, inihinto na

MH370-anniversary-0308Inanunsyo ng mga opisyal mula sa Malaysia, Australia at China, na itinigil na nila ang deep sea search sa bahagi ng Malaysian Airlines flight MH370 na nawala noong 2014, sakay ang 239 na pasahero.

Sa magkakasamang pahayag ng mga opisyal ng tatlong bansa na magkaka-agapay sa paghahanap ng nawawalang aircraft, sinabi nilang sa kabila ng masusing paghahanap gamit ang pinakamodernong teknolohiya, hindi pa rin sila naging matagumpay sa kanilang misyon.

Umalis na sa lugar na kanilang pinaghahanapan ang pinakahuling search vessel kanina, matapos suyurin ang 120 thousand square kilometer area ng Indian Ocean sea floor.

Ito ang lugar na pinagtuunan ng pansin ng halos tatlong taon na paghahanap sa nasabing aircraft.

Nagkasundo na ang Malaysia, Australia at China noon pang Hulyo na sususpindehin na nila ang paghahanap, oras na hindi talaga mahanap ang eroplano, o kaya ay wala silang bagong ebidensyang nahanap.

Tinanggihan naman ng Australia ang suhestyon ng mga imbestigador na i-urong pa-norte ang paghahanap dahil giit ng mga opisyal ng Australia, wala namang ebidensyang susuporta sa mungkahing ito.

Read more...