Sa pagsisimula ng sesyon ng Senado ngayon hapon, agad tumayo si Sen. Juan Miguel Zubiri at nagpahayag ng kanyang manipestasyon.
Sinabi ni Zubiri na nasaktan siya sa akusasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV laban sa kanila ni Sen. Richard ick Gordon na nais nilang i-whitewash ang imbestigasyon ng Senado sa bribery scandal na kinasasangkutan ng ilang dati at kasalukuyang Bureau of Immigration officials.
Sinabi ni Zubiri na nais lang niyang linawin ang rules sa pag-iimbestiga dahil aniya mismong si Trillanes ay may resolusyon para sa reorganisasyon ng ahensiya.
Sumagot naman agad si Trillanes at nanindigan ito na hindi kailanman niya babawiin ang kanyang sinabi kahapon at binanggit pa nito ang pagkakadawit ni Zubiri sa 2007 election fraud.
Kasunod nito muling nagsalita si Zubiri at sinabing tanggap pa niyang hamunin siya ng anumang uri ng laban huwag lang siyang aakusahan ng whitewashing.
Binalikan din nito si Trillanes na nakasuhan pa ito ng rebelyon dahil sa sumablay na kudenta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nag-ugat ang kanilang iringan makaraang sabihin ni Zubiri na dapat ay ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang mag-imbestiga sa umano’y panunuhol ni Jack Lam sa ilang B.I officials.
Nauna na kasing sinabi ni Trillanes na siyang pinuno ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Conduct na iimbestigahan ng kanyang komite ang kontrobersiya.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo ay sinabi ni Trillanes na dapat ay maging handa sa giyera si Zubiri bagay na lalong nagpagalit sa mambabatas.
Aktong pupuntahan ni Zubiri si Trillanes nang siya’y awatin nina Sen. Tito Sotto at Manny Pacquiao.
Makaraan ang pagtatalo ay kaagad silang nagpunta sa Senate lounge na sinundan naman ng ilan pang mga senador.