Rumampa ang 67 sa 87 na mga kandidata ng Miss Universe sa loob ng Triton Ballroom ng JPark Island Resort and Waterpark Cebu.
Kasama sa mga rumampa ang pambato ng bansa na si Maxine Medina.
Ipinaliwanag ni Ren Orao, marketing executive ng JPark Resorts na ginawa nilang indoor ang nasabing event dahil sa patuloy na pag-ulan sa Cebu.
Dahil din sa patuloy na sama ng panahon kaya hindi umabot sa swimsuit presentation ang ilan pa sa mga kandidata.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Tourism Asec. Ricky Alegre na gaganapin ang mismong swimsuit competition sa coronation day ng Miss Universe sa January 30 sa SM Mall of Asia Arena.
Masyado na umanong siksik ang schedule ng mga kalahok sa nasabing beauty pageant.
Kaugnay nito, sinabi ni CSupt. Noli Taliño, pinuno ng Police Regional Office 7 na hiniling nila sa mga telecommunications company na pansamantalang putulin ang cellphone signal sa mga lugar sa Cebu na pupuntahan ng mga Miss Universe candidates.
Bahagi anya ito ng seguridad na kanilang inilatag tulad ng ipinatupad sa katatapos lamang na Sinulog Festival.