Nakapagtala na ng isang nasawi sa Cagayan De Oro City dahil sa malakas na ulan na naranasan kahapon na nagresulta sa matinding pagbaha.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cagayan De Oro City Mayor Oscar Moreno, isang 14-anyos ang nasawi ngayong Martes ng umaga sa Barangay Agusan, matapos mabagsakan ng gumuhong pader.
“Kanina 5am, bagaman wala ng ulan, merong nag-collapse na wall sa Brgy. Agusan at mayroong 14 years old na nasawi,” ayon kay Moreno.
Sa ngayon sinabi ni Moreno na wala nang nararanasang pag-ulan sa lungsod at unti-unti na ring humupa ang pagbaha.
Ang mga na-stranded na estudyante at manggagawa ay isa-isa na ring nakauwi sa kanilang mga tahanan.
Kwento ni Moreno, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan sa lungsod bago magtanghali kahapon na nagtuloy-tuloy hanggang alas 8:00 ng gabi.
Kumpiyansa aniya ang mga residente na hindi naman magreresulta ng pagbaha ang naranasang pag-ulan dahil madalas namang bumuhos ang ulan sa lungsod pero humihinto rin agad.
Gayunman, ibang sitwasyon aniya ang naganap kahapon na nagtuloy-tuloy ang pag-ulan hanggang gabi.
Aminado naman si Moreno na kinakailangan ng ibayong pagtutulungan ng City Government at mga lider ng barangay para maisaayos ang drainage system at maiwasan ang urban flooding sa lungsod.