Dahil malakas ang umiiral na Amihan, maliit ang tsansa na maging isang ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa Zamboanga City.
Huling namataan ng PAGASA ang nasabing LPA sa 70 kilometers East Northeast ng Zamboanga City.
Maliban sa nasabing LPA, apektado naman ng tail-end ng cold front ang Visayas.
Bagaman, maliit ang tsansa na maging isang ganap na bagyo, sinabi ng PAGASA na makapagdudulot pa rin ito ng malakas na buhos ng ulan sa Vosayas at Mindanao na maaring magresulta sa flashfloods at landslides.
Ngayong araw na ito, sinabi ng PAGASA na katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan ang mararanasan sa Eastern Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at sa lalawigan ng Bohol.
Habang katamtamang pag-ulan ang iiral sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao.
Mahinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Cagayan Valley, MIMAROPA, Bicol Region at sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon.
Habang sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon lamang ng bahagyang maulap na papawirin na mayroong mahinang pag-ulan.