Cagayan De Oro City, under state of calamity na; forced evacuation, ipinatupad

FB/Cagayan De Oro City

Isinailalim na sa ‘state of calamity’ ang buong lungsod ng Cagayan De Oro City resulta ng matinding pagbaha na dulot ng ilang oras na pag-ulan simula kahapon.

Dakong alas 2:00 ng madaling-araw, napagkaisahan ng lokal na city council sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council na ibaba ang deklarasyon upang matulungan ang mga residenteng apektado ng hanggang dibdib na tubig baha sa ilang lugar.

Magagamit rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund upang mapondohan ang mga pangunahing ayuda para sa pamilyang naapektuhan ng matinding pagbaha.

Sa pinakahuling tala, umaabot na sa mahigit apat na libo katao ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan at pansamantalang namamalagi sa mga evacuation centers sanhi ng biglaang pagtaas ng tubig baha.

Marami rin sa mga naapektuhan ay mga estudyante at mga manggagawa sa mga pribado at pampublikong tanggapan.

Suspendido na rin ang klase sa buong Cagayan De Oro City at ilan pang mga lugar na apektado ng pag-ulan dulot ng pinagsamang epekto ng low pressure area at tail end of cold front sa Zamboanga peninsula.

Dahil rin sa walang humpay na pag-ulan mula kahapon, nagpatupad na agad ang lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro ng forced evacuation sa mga Barangay ng Tumpagon, Pigsag-an, Lumbia, Tuburan, Pagalungan, Sansimon, Iponan, Bulua, Pagatpat at Canitoan.

Tumaas na kasi sa critival level ang antas ng tubig sa Iponan River kaya mas delikado sa pagbabaha ang mga lugar na pumapalibot dito lalo na ang mabababang lugar.

Read more...