Kumpiyansa si House Deputy Speaker Fredenil Castro na kaya ng kamara na mapagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang kontrobersyal na Death Penalty bill bago magtapos ang Pebrero.
Sinabi ni Castro, ngayong balik-sesyon na ang mga kongresista ay inaasahan ang mahabang debate sa panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan.
Ayon kay Castro, hindi dapat pigilan ang mga kongresista sa pagtatanong o pagsasagawa ng interpelasyon upang walang isyung maiwan o makalusot sa kasagsagan ng debate.
Sa kabila nito, hinimok ni Castro ang mga kapwa mambabatas na iwasan ang pagulit-ulit o paikot-ikot na tanungan sa debate upang mapadali ang proseso at maisalang na sa botohan ang panukalang batas.
Hinimok din ni Castro ang media na i-cover ang bawat plenary debate hinggil sa Death Penalty Bill, upang mas maunawaan ng publiko ang mga rason kung bakit isinusulong at kinakailangang maibalik ang parusang bitay para sa kampanya ng Duterte administration laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Batay sa consolidated version ng Death Penalty bill na aprubado ng Justice Committee ng Kamara, dalawampu’t isang krimen ang nakatakdang patawan ng parusang kamatayan.
Subalit posibleng madagdagan o mabawasan pa ito, depende sa magpag-uusapan sa period of interpellation at period of amendments.