Bumaba ng halos kalahati ang naitalang dami ng tao na dumalo sa taunang Sinulog grand parade sa Cebu City para sa kapistahan ni Senyor Sto. Niño.
Ayon kay Chief Supt. Noli Taliño na hele ng Central Visayas police, base sa kanilang consolidated reports, umabot sa 1.5 milyon ang dami ng mga nakisali sa taunang piyesta at kasiyahan sa Cebu, pero mas mababa ito sa naitalang tatlong milyon noong nakaraang taon.
Bahagya ring binawasan ang Sinulog grand parade ngayong taon dahil sa pag-iingat ng mga otoridad laban sa mga banta ng terorismo, lalo’t inaasahan talaga dito ang pagdagsa ng maraming tao.
Bagaman dahil dito ay nabawasan rin ang mga dumalo, nabawasan rin naman ang sakit ng ulo ng mga pulis dahil hindi hamak na mas maayos ang mga dumalo ngayon kumpara sa nakaraang taon kung saan ilang nakiki-piyesta ang nasugatan dahil sa stampede.
Nanatili naman aniyang mapayapa ang selebrasyon, at bukod sa babaeng nasugatan sa pagsabog ng isang transformer sa Osmeña boulevard, wala naman nang ibang naitalang nasaktan.
Ipinagbawal rin ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang mga street parties at inuman sa anim na kilometrong haba na dinaanan ng parada.
Bilang bahagi ng paghihigpit ng segurdidad ay pinatay rin ang mga cellphone signals.