Duterte administration, nakakalap na ng P900-B halaga ng ayuda-DOF

 

Inquirer photo
Inquirer photo

Sa kabila ng paghinto ng malaking ayuda mula sa Amerika, nakalikom pa rin ang Pilipinas ng halos isang trilyong pisong halaga ng ‘official foreign aid’ mula sa ibang bansa.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang mga naturang ayuda ay nagmula sa Official Development Assistance (ODA) ng mga bansang China at Japan.

Tinatayang umaabot sa 900 bilyong piso ang ODA na ipinangako ng dalawang bansa.

Dagdag pa ni Dominguez, hindi pa kasama dito ang mga kasunduang may kinalaman sa negosyo na nakalap ng Duterte administration.

Aniya, nakatakdang magtungo sa China ang kanilang grupo ngayong buwang ito upang kumustahin ang mga proyektong kanilang isinumite na paglalaanan ng pondo.

Sa Japan naman, nakalinya na ang mga proyekto sa Pilipinas na kanilang ilalatag upang maaprubahan at mapaglaanan ng pondo sa ilalim ng ODA.

Ang maganda pa aniya dito dagdag ni Dominguez, mismong ang dalawang bansa ang kusang nag-alok na mapondohan ang mga proyektong nais na maitaguyod ng Pilipinas.

Matatandaang noong nakaraang taon, inihinto ng Millennium Challenge Corp. (MCC) ng Amerika ang paglalaan ng $434 milyong pondo sa mga proyekto sa Pilipinas dahil sa paglaganap ng extrajudicial killings sa bansa.

Read more...