Mananatili ang paninindigan ng Pilipinas sa pagtataguyod ng mga adhikain ng ASEAN upang maabot ang matatag na komunidad sa pagitan ng mga bansang kasapi nito.
Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng ASEAN chairmanship event na ginanap kahapon sa Davao City.
Ayon sa Pangulo, bilang chair ng ASEAN ngayong taon, handa ang Pilipinas na pangunahan ang koordinasyon at pagtaguyod ng mga inisyatiba na makabubuti sa komunidad ng mga kasaping-bansa.
Dapat rin aniyang magpatuloy ang pakikipagtulungan ng bawat bansa upang mapalakas at mapalago ang negosyo at kalakalan sa ASEAN upang mapaganda pa ang kabuhayan ng mga mamamayan sa rehiyon.
Gayundin aniya, dapat gumawa ng mga kaukulang hakbang ang bawat bansa upang matiyak na mapapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa ASEAN region.
“We must continue working on a bigger, more open and rules-based market for business and trade to thrive. We must forge on with increased people-to-people interaction through commerce, travel and education. We must strive for a region that promotes and maintains peace, security and stability,” dagdag pa ng pangulo sa kanyang paunang mensahe.
Kasabay nito, nanawagan rin si Duterte sa mga ‘dialogue partners’ ng ASEAN na igalang ang prinsipyo ng ‘non-interference’ o pag-iwas sa pakikialam upang mapalakas ang ‘stability’ sa rehiyon.
Dagdag pa ng pangulo, ito na rin ang ginintuang pagkakataon para sa lahat upang mapanatili ang imahe ng ASEAN bilang isang grupo ng mga bansang may kakayahang maghatid ng positibong pagbabago sa buong mundo.