Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa pagsabog ng isang liquefied petroleum gas (LPG) refilling station sa Pasig City noong January 11.
Sa mga naunang ulat kasunod ng pagsabog ng Regasco LPG refilling station na pag-aari ng Omni Gas Corp. sa Sandoval Avenue, Pasig City, 21 katao ang nasugatan at karamihan sa kanila ay pawang mga stay-in na empeyado.
Apat sa mga malubhang nasugatan ang nasawi na, kabilang ang pinakahuling naitala na 18-anyos na delivery boy na si Camilo Alcaraz na taga-Isabela.
Pumanaw si Alcaraz ala-1:00 ng madaling araw ng Linggo sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
Nagtamo si Alcaraz ng 90 hanggang 98 percent partial thickness burns sa kaniyang mga binti, mukha, braso, dibdib at tiyan.
Habang nasa ospital, nakausap pa ng kaniyang ina na si Jenny Alcaraz si Camilo, at sinabi pa nito sa ina na huwag mag-alala dahil lalaban siya.
Ngunit makalipas ang ilang araw, sumuko rin si Camilo at sinabi sa kaniyang ina na napapagod na siya, kasabay ng pagtirik ng mata at pagbula ng kaniyang bibig.
Hindi ngayon alam ng ina kung paano ibabalita sa ama ni Camilo ang pagpanaw ng pangalawa sa kanilang limang anak, lalo’t noong una ay nasabi pa ng doktor na maayos ang kalagayan nito.
Ayon kay S/Insp. Anthony Arroyo, hepe ng investigation unit ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasig City, ilang biktima pa ang nananatiling kritikal ang kundisyon matapos ang insidente.
Tinukoy niya ang mga ito na sina Arvin Bautista, 20; Alejandro Conrad, 42; Domingo Guira, 29; at Raymart Eda, 22, na nagtamo ng superficial partial thickness burns.