Kahit may hawak na bihag: Mga Abu Sayyaf, bombahin na-Duterte

 

Inquirer file photo

Inutusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tropa ng pamahalaan na bombahin ang mga rebeldeng tumatakas bitbit ang kanilang mga bihag.

Ito aniya ay para matigil na ang mga sunud-sunod na pagdukot na ginagawa ng mga militante sa karagatan.

Una nang sinabi ni Duterte na nasabihan na niya ang kaniyang mga counterparts sa Indonesia at Malaysia na maari nilang hayaan ang kanilang mga sundalo na paputukan ang mga militanteng dumudukot sa mga naglalayag sa karagatang namamagitan sa tatlong bansa, at dinadala ang kanilang mga bihag sa Mindanao.

Ayon sa pangulo, inutusan na niya ang navy at coast guard na bombahin ang mga kidnappers kapag tumatakas na ang mga ito.

Kaugnay naman sa magiging kapakanan ng mga bihag ng mga kidnappers, sinabi ng pangulo na pawang “collateral damage” ang mga ito.

Dagdag pa ni Duterte, sa ganitong paraan ay makakaganti na ang pamahalaan sa mga kidnappers.

Nitong Sabado lamang, isang South Korean na kapitan ng barko at isang Pilipinong crewman ang pinakawalan ng Abu Sayyaf, tatlong buwan matapos silang dukutin ng mga ito mula sa kanilang cargo ship.

Ibinigay ng mga gunmen ng Abu Sayyaf ang mga bihag na sina Park Chul-hong at Glenn Alindajo sa Moro National Liberation Front (MNLF), na nag-turn over naman sa pamahalaan sa bayan ng Jolo sa Sulu.

Read more...