Mary Jane Veloso, binisita ng pamilya sa Indonesia para sa kanyang 32nd birthday

veloso-0429Binisita ng kanyang pamilya ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso sa Jogjakarta, Indonesia kung saan siya nakakulong.

Ito ay para ipagdiwang ang ika-32 na kaarawan ni Mary Jane.

Sa isang pahayag, sinabi ng Migrante International na lumipad patungong Indonesia noong Huwebes ang magulang ni Mary Jane na sina Cesar at Celia Veloso kasama ang kanyang dalawang anak na sina Mark Daniel at Mark Darren.

Katuwang ng grupo ang Department of Foreign Affairs at ilang opisyal ng Philippine embassy sa pag-aayos ng four-day visit sa Indonesia ng Pamilya Veloso.

Naging masaya aniya ang reunion ng Pamilya Veloso na huling nagkita-kita noong Enero ng nakaraang taon.

Sinabi pa ng Migrante na masayang nagkwento si Mary Jane ng kanyang mga karanasan sa loob ng kulungan.

Muli din iginiit ni Mary Jane na inosente siya sa kasong ibinabato laban sa kanya.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Pinay drug convict na napatawad na niya ang kanyang mga recruiter na naging dahilan kung bakit siya nakakulong.

Matatandaan na noong nakaraang Setyembre, sinabi ni Indonesian President Joko Widodo na nagbigay na ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte na para sa execution ni Veloso.

Sinabi ni Duterte na igagalang nila kung ano man ang maging hatol ng Indonesian court.

Read more...