BFP, hinihintay pa ang mga complainants sa sumabog na LPG refilling station

Photo by Jun Corona
Photo by Jun Corona

Hinihintay pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga pamilya ng mga biktima kasunod ng naganap na pagsabog ng isang LPG refilling station na magsampa ng kaso laban sa may-ari ng naturang pasilidad.

Kaugnay nito, namatay ang isang gas corporation supervisor mula sa kanyang tinamong sunog sa katawan habang 21 naman ang sugatan sa naganap na insidente sa Sandoval Avenue sa Barangay San Miguel, Pasig City.

Kinilala ang nasawi na si William Khey, 39 taong gulang, habang ang iba pa ay ginagamot sa Rizal Medical Center.

Sa 21 na sugatan, si Efipanio Ause na nagtatrabaho sa kalapit na furniture shop, ang nag-iisang hindi empleyado ng Omni gas na nagtamo ng mga sugat matapos bumagsak ang pader ng naturang establisiyemento dahil sa impact ng naganap na pagsabog.

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, wala pang naghahain ng pormal na reklamo.

Dagdag pa ni Arroyo, kumakalap na sila ng mga dokumento at ebidensya para matukoy kung may basehan na magkaso ng negligence resulting in multiple injuries and damage of property.

Read more...