Muling nagbanta ng malawakang protesta ang mga commercial fishing operators at fish traders laban sa implemantasyon ng inamyendahang Republic Act 10654 o Philippine Fisheries Code.
Ang naamyendahang batas sa oras na ganap na ipatupad ay magbabawal at pipigil sa mga illegal at hindi rehistradong pangingisda.
Multang 1 milyon hanggang 45 milyong piso ang nakaabang sa mga commercial fishers na lalabag sa nasabing batas.
Ayon kay Dr. Mario Pascual, isang trader sa Navotas City, mariin nilang kinukundena ang pinahigpit na probisyon ng batas na maaaring makaapekto sa buong industriya ng pangingisda.
Dagdag pa ni Pascual, napatunayan ng kanilang kampanya na walang naganap na konsultasyon sa kanila bago isagawa ang amyenda sa batas dahil karamihan sa mga mangingisda ay walang kaalam-alam hindi lang ukol sa pagbabago, kundi maging sa mismong batas.
Ayon naman kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources director Asis Perez, walang dapat ipagalala ang mga mangingisdang sumusunod sa batas dahil ang tangi lang namang nabago sa RA 10654 ay ang pagta-taas ng multa sa mga lalabag.
Nilinaw din ni Perez na wala naman ito masyadong pinagkaiba sa RA 8550 o Fisheries Code of 1998 at iniingatan lamang aniya nila ang interes ng nakararami para walang makalusot na mga ilegal na pangingisda.
Ani Pascual, pinaguusapan pa kung kailan nila isasagawa ang protesta, pero siniguro niyang ito ay magaganap bago ang implementasyon ng bagong batas sa susunod na buwan./Kathleen Betina Aenlle