Maaaring umabot sa magnitude 7 ang magaganap na pagyanig dulot ng mga natagpuan nilang bagong cracks sa Mati City sa probinsya ng Davao Oriental at sa Compostela Valley.
Ayon sa senior science research specialist ng Phivolcs na si Desiderio Cabanlit, ang mga nakitang ‘cracks’ ay bunga ng paggalaw ng 320-kilometrong Surigao-Mati fault line.
Ani Cabanlit, ang paggalaw ng Mati at Compostela Valley segment ay maaaring magdulot ng 7.0 magnitude na lindol na matinding makakaapekto sa mga nasabing lugar kasama na ang Davao City.
Magigiba aniya ng maraming mga gusali sa nasabing lungsod lalo na’t ang karamihan sa mga ito ay itinayo sa malambot na lupa.
Kung sakali man na ito ay tumama sa dagat, magdudulot naman ito ng 8.3 magnitude na lindol na magiging sanhi rin ng tsunami.
Dagdag ni Cabanlit, wala silang kasiguraduhan kung kailan ito magaganap dahil wala pa silang naitalang mga naunang pagkakataon ng pagyanig dahil sa nasabing fault line para sana’y pagbasehan ng mas mabisang prediksyon.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga lokal na gobyerno na paghandaan na ang naturang sakunang maaring maganap ano mang oras./Kathleen Betina Aenlle