Inanunsyo ni Education Sec. Leonor Briones na nakikipag-negosasyon na sila sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Malacañang upang maibalik ang nasabing budget sa kagawaran.
Ayon kasi kay Briones, karaniwang umaabot ng tatlo hanggang anim na buwan ang pag-rebuild sa mga paaralan o silid aralang tuluyang nawawasak ng mga kalamidad, dahilan para maantala ang pag-aaral ng mga estudyante.
Aniya, nagpagtatayo sila ng mga bagong gusali para sa mga paaralan at nagbibigay sila ng mga bagong gamit at libro, ngunit nasisira at nawawala rin lang ang mga ito tuwing tinatamaan ng mga kalamidad.
Pero oras aniya na maibalik ang QRF, makakapag-presposition na sila ng mga mahahalagang school materials para hindi masyadong magtagal ang pagkakaantala ng mga klase kapag tinatamaan ng kalamidad ang paaralan.
Paliwanag pa ni Briones, inalis sa kanila ang QRF dahil wala umano silang “professional capacity” para harapin ang epekto ng mga disasters.
Pero iginiit ng kalihim na sila ang isa sa pinaka-naaapektuhan tuwing may kalamidad at mayroon silang kinalaman o interes dito.
Nagkaroon aniya sila ng mahabang usapin kasama ang mga Gabinete tungkol dito, pero magkakaroon pa ulit siya ng dayalogo kay Budget Sec. Benjamin Diokno para maibalik ang QRF.
Ang QRF ay isang standby fund na ginagamit para sa rehabilitasyon at mga relief programs ng pamahalaan, tulad na lamang ng prepositioning ng mga relief at mga equipment sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad o epidemya.