Small-scale mining, dapat nang gawing legal ayon sa DOLE at environmental group

INQUIRER file photo
INQUIRER file photo

Sa kasagsagan ng crackdown sa mga minahan, nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ng non-government environmental organization na Ban Toxics na gawin nang pormal ang mga small-scale mining.

Ginawa nina DOLE at Ban Toxics ang panawagan kasabay ng kanilang paglulunsad ng CaringGold program na isang three-year strategy na naglalayong pahintuin na ang child labor sa mga small-scale mine sites.

Ang nasabing programa ay pinondohan ng US Department of Labor at ipatutupad naman katuwang ng International Labour Organization.

Layon nitong itayo ang “Minahang Bayan” areas, alinsunod sa mga regulasyon ng pamahalaan kaugnay sa kalikasan, kalusugan at labor, at na target itong ilagay sa Camarines Norte.

Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglungsod, 18,000 sa 350,000 na nagtatrabaho sa small-scale mining ay pawang mga kababaihan at mga bata.

Oras aniyang maging legal ang small-scale mining, maari nang magsagawa ng mga inspeksyon dito alinsunod sa mga patakarang ipinaiiral ng labor standards.

Ang CaringGold ay isa sa tatlong programa ng pamahalaan na inilunsad kahapon ng DSWD, DOLE, International Labour Organization at Ban Toxics para maibsan na ang mga pinakamalalang uri ng child labor pagdating ng 2025, at na maisalba ang mga batang nagtatrabaho mula sa taong ito hanggang 2022.

Read more...