Nakatakda nang ilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng shelter assistance para sa mga nawalan o nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng bagyong “Nina.”
Ayon sa kay Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo, inendorso na nila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang rehabilitation plan ng DSWD para sa emergency shelter assistance (ESA) na nagkakahalaga ng P513,722,930 upang mapondohan na ito.
Sa ilalim ng ESA, bibigyan ng P10,000 ang mga may-ari ng partially damaged na bahay, habang P30,000 naman ang matatanggap ng mga pamilyang nawasak talaga ang tahanan dahil sa bagyo.
Aabot sa 547,237 na pamilya ang naapektuhan ng naturang bagyo sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Eastern Visayas.
Tinatayang nasa 535 na pamilya naman ang nananatili pa rin sa 30 evacuation centers hanggang ngayon, ayon sa DSWD.
Nangangailangan ang DSWD ng P4.35 bilyong halaga ng pondo para mapondohan ang ESA para sa nasa 248,242 pamilyang sinalanta ng bagyong Nina.