Tiniyak ng Department of Energy (DOE) at ng kanilang mga katuwang sa power sector, na inuuna na nila ang pagbabalik ng kuryente sa mga lugar sa Southern Luzon at Eastern Mindanao na nawalan ng kuryente dahil sa sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo.
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, prayoridad ng kaniyang opisina na tiyakin ang restoration ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Sinabihan na aniya nila ang kanilang mga rehabilitation personnel na mag-double time na sa pagtatrabaho lalong-lalo na sa mga malubhang napinsala ng mga bagyo.
Base sa pinakahuling report ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), lahat ng mga transmission lines na naapektuhan ng bagyong “Auring” sa Caraga region ay naibalik na sa normal ang operasyon.
Una na rin nilang naiulat na naibalik na rin sa normal ang operasyon ng lahat ng transmission facilities na naapektuhan ng bagyong “Nina.”
Samantala, inaasikaso naman na ng mga distribution utilities sa Dinagat Islands, Siargao, Surigao del Norte at Surigao del Sur na tinamaan ng bagyong Auring, ang panunumbalik ng kuryente sa kanilang mga lugar na nasasakupan matapos ayusin ng NGCP ang mga transmission services doon.
Ayon naman sa National Electrification Administration (NEA), 80.96 percent o nasa 1,368,040 na mga kabahayan na naapektuhan ng Nina ang nabigyan na ulit ng kuryente hanggang sa noong Huwebes.