Itinuring ng UNFPA ang naturang utos ni Duterte sa pamamagitan ng Executive Order No. 12 na inilabas noong Lunes, bilang isang “new momentum” sa pagbibigay ng family planning services sa Pilipinas.
Gayunman, nahaharap rin sa pagsubok ang E.O. 12 dahil sa pagtutol ng mga konserbatibo at religious leaders.
Sa kanilang inilabas na pahayag, sinabi ng UNFPA na ang nasabing kautusan ni Duterte ay isang “major push” sa family planning program ng pamahalaan, na matagal nang tinututulan ng Simbahang Katoliko at mga prolife organizations.
Ayon kay Klause Beck na country representative ng UNFPA, ang buo at agarang implementasyon ng Responsible Parenthood at Reroductive Health Law ay lubos na mahalaga para maisulong ng pamahalaan ang kanilang family planning program.
Ipinakita aniya ng gobyerno dito ang buong pagsuporta sa naturang panukala.
Una nang sinabi ni Economic Planning Sec. Ernesto Pernia na layunin ng pamahalaan na gawing available sa 6 milyong kababaihan ang contraceptives, at nakamit ang “zero unmet need for family planning” upang mabawasan rin ang kahirapan sa bansa.
Samantala, nabahala naman ang UNFPA na posibleng harangin ng Korte Suprema ang buong implementasyon ng RH law, pero susuportahan naman nila ang pamahalaan at ang kanilang mga civil society partners sa pagbibigay ng reproductive health services.
Sa talang ibinigay ni Pernia, 11 kababaihang Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak, kaya inaasahang makakatulong ang RH law sa pagpapababa ng mga maternal deaths at teenage pregnancies sa bansa.