Iginiit ng Philippine National Police (PNP) noong Biyernes na nakitaan nila ng sapat na ebidensya ang pulis na umano’y sangkot sa pagdukot sa isang South Korean na negosyante na noong Oktubre pa ng nakaraang taon nawawala.
Una nang naiulat ng Inquirer ang hinihinalang “tokhang-for-ransom” na naganap kay Jee Ick-Joo sa kaniyang tahanan sa Angeles City, kasama ang kaniyang Pilipinang kasambahay.
Pinakawalan ang nasabing kasambahay ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap si Jee sa kabila ng pagbabayad ng P5 milyong halaga ng ransom.
Natukoy naman na ang nanguna pala sa kunwaring anti-drug operation ay si SPO3 Ricky Sta. Isabel, na narelieve na sa kaniyang pwesto habang iniimbestigahan pa ang kaso.
Napag-alaman naman ng pulisya na dati na ring nadawit si Sta. Isabel sa isang kaso rin ng kidnapping.
Nagpakita naman na si Sta. Isabel sa Camp Crame noong Huwebes matapos manawagan ang galit na galit na si PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa na siya ay sumuko na kung ayaw niyang mabaril.
Ayon kay PNP Anti-Kidnapping Group head S/Supt. Glenn Dumlao, marami na silang nakalap na ebidensya laban sa mga suspek, at na hindi totoong na-frame up lang siya ng PNP.
Kabilang sa mga malinaw na ebidensyang hawak ng pulisya ang video kung saan makikita si Sta. Isabel na nagwi-withdraw gamit ang ATM ni Jee, at ang getaway vehicle na ginamit niyang napag-alamang pag-aari pala ng kaniyang misis.
Pinaghahanap na rin naman ng PNP ang iba pang mga naging kasabwat ni Sta. Isabel sa pagdukot sa nasabing Korean, dahil naniniwala silang hindi mag-isang kumilos ang pulis sa krimeng ito.
Samantala, tumanggi naman si Sta. Isabel na magpasailalim sa restrictive custody ng PNP.
Ayon kay Dela Rosa, mas ginusto pa umano ng suspek na magresign na lamang sa tungkulin bilang pulis.
Hinala ni Dela Rosa, pinili ni Sta. Isabel na magresign para malaya siyang makagalaw at hindi makontrol ng PNP.