Kinumpirma ni Foreign Press Secretary Yasuhisa Kawamura sa isang press briefing na sasama ang Japanese Self-Defense Force sa taunang war games at drills na ginagawa ng mga sundalong Amerikano at Pilipino.
Hindi naman partikular na tinukoy ni Kawamura kung ano ang kanilang gagampanan sa nasabing war games, pero mababatid na sa mga nagdaang drills sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, sila ay ilang beses na ring naging observers.
Inaasahan namang mababawasan ang gagawing military drills sa taong ito, matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mock assaults at iba pang mga bilateral drills.
Matatandaang sinusubukan rin ni Duterte na i-distansya ang Pilipinas mula sa Amerika na panay ang pagbatikos sa kaniyang kampanya laban sa iligal na droga.
Samantala, nabanggit naman ni Kawamura na nananatiling malapit na kaalyado ng Japan ang Amerika, dahil ang alyansang ito ang “cornerstone” ng kanilang foreign at security policy.
Magbibigay rin aniya ito ng security, prosperity at stability sa Asia-Pacific region, kahit pa magpapalit na ng administrasyon ang Amerika.
Aniya pa, patuloy na makikipagtulungan ang Japan sa Pilipinas kaugnay ng usapin ng depensa, kabilang na ang capacity building, pagbibigay ng mga kagamitan, training at exercises.
Kasama rin aniya dito ang pakikiisa nila sa pagpapaigting ng maritime security at antiterrorism measures.