Matapos ang magkahiwalay na pagpupulong ng Nationalist People’s Coalition kasama si Mar Roxas at sina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero, wala pa ring opisyal na desisyon kung sino ang susuportahan sa 2016 elections.
Ayon kay Davao del Sur Gov. Claude Bautista, sinabihan lamang sila ng mga pinuno ng NPC na sina Danding Cojuangco at Ramon Ang na pakinggan ang mga plano ni Roxas sa 2016.
Labindalawang kongresista ng NPC na pinamunuan ni Batangas Rep. Mark Leandro Mendoza ang humarap kay Roxas, kabilang sina Representatives Henry Teves (Negros Oriental), Susan Yap (Tarlac), Mark Enverga (Quezon), Pedro Acharon Jr. (General Santos City), Scott Lanete (Masbate), Evelio Leonardia (Bacolod), George Arnaiz (Negros Oriental), Aries Aumentado (Bohol), Victor Yu (Zamboanga del Sur), Mercedes Alvarez, (Negros Occidental) and Isidro Rodriguez Jr. (Rizal)
Kasama naman ni Roxas ang ilang miyembro ng Liberal Party na sina Sen. Ralph Recto, Representatives Leni Robredo (Camarines Sur), Dan Fernandez (Laguna) at Kit Belmonte (Quezon City)
Dagdag pa ni Mendoza, si Roxas mismo ang nag-anyaya sa kanila para ilatag ang kaniyang mga plataporma at humingi ng suporta sa kaniyang kandidatura, ngunit iginiit ni Mendoza na kailangan pa rin nilang konsultahin ang kanilang mga miyembro.
Nagkaroon din ng pagtitipon ang NPC kinagabihan, araw ng Martes sa kanilang headquarters sa Balete drive sa Quezon City kung saan dumating sina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero.
Ayon kay Escudero, maraming miyembro ng NPC ang sumusuporta kay Poe, ngunit marami din ang hindi pa siya nakakasalamuha kung kaya’t naging magandang pagkakataon ang pagtitipon para mas makilala siya ng mga taga-NPC.
Nilinaw rin niya na bagaman malaking tulong ang pagtitipon na ito para malaman kung sino ang kanilang susuportahan sa pagitan nina Poe at Roxas, wala pa rin silang opisyal na desisyon dahil maging si Poe ay wala pa ring kumpirmasyon sa kaniyang mga balak sa 2016 Elections./Kathleen Betina Aenlle