Nakitaan ng kapabayaan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang maintenance sa pasilidad at kagamitan sa Regasco Filling Station sa Brgy. San Miguel, Pasig City.
Ayon sa BFP, may mga nakita nang kalawang sa multipost ng tanker kung saan posibleng nagmula ang leak na naging dahilan ng pagsabog at pagkasunog na ikinasawi ng isang empleyado at ikinasugat ng maraming iba pa.
Ayon kay Sr. Insp. Anthony Arroyo, hepe ng BFP Pasig-Arson Investigation, maaring sa tanker na naglalaban ng 15 tons ng LPG nagmula ang gas leak.
Hindi umano nagkaroon ng maayos na maintenance ang tanker.
Naging mabagal din umano sa pag-aksyon ang mga empleyado ng Regasco nang maganap nag leak.
Batay sa CCTV footage na nakuha ng Pasig fire department na-detect ng mga empleyado ang leak alas 12:28 ng madaling araw dahil kita sa video ang pagtatakip nila ng ilong para hindi malanghap ang amoy.
Pero hindi agad sila tumawag sa fire department hanggang sa tuluyan na ngang maganap ang pagsabog.
Patuloy pa ang pangangalap ng ebidensya ng mga opisyal ng BFP para sa posibleng kaso na isasampa laban sa may-ari ng pasilidad.
Pero kabilang sa kasong maaring kaharapin ay gross negligence resulting to multiple injuries and homicide.