Lumapag kaninang 2:45PM sa Balagbag Ramp ng Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinasakyan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe para sa kanyang dalawang araw na state visit sa bansa.
Ito na ang ikatlong beses na pagpunta sa Pilipinas ni Abe na unang dumating sa bansa noong 2013 na sinundan naman ng kanyang pagdalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong 2015.
Kasamang dumating ni Abe ang kanyang maybahay na si First Lady Akie Abe kung saan ay sinalubong sila nina executive Sec. Salvador Medialdea at Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay.
Didiretso si Abe sa Malacañang para sa tradisyunal na paglagda sa guestbook na susundan naman ng maiksing pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Abe ay nakatakdang bumisita rin sa Davao City kung saan ay dadalaw siya sa lumang Japanese settlement sa Mintal District.
Bukod sa pagdalo sa paunang pulong kaugnay sa gaganaping Asean Summit sa bansa, kasama rin sa pupuntahan ni Abe ang bahay ni Pangulong Duterte sa Matina District.
Kabilang sa mga nakatakdang pag-usapan nina Duterte at Abe ay ang mga isyung may kinalaman sa kalakalan ng dalawang bansa, infrastructure development, counter terrorism, drug abuse at maritime cooperation.