Handa ang Makabayan Bloc ng Kamara na i-akyat sa Korte Suprema ang plano ng Social Security System o SSS na magtaas ng kontribusyon ng mga miyembro nito.
Nauna nang binanggit ng SSS na kailangan na maitaas ang monthly contribution ng SSS members upang mapondohan ang isang libong pisong pension increase.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, kukwestiyunin nila sa Supreme Court ang naturang balak ng SSS lalo kung babangga ang contribution hike sa charter ng ahensya.
Paalala ng Kongresista, nakasaad sa batas na hindi uubrang taasan ang premium payments para lamang maitaas ang pensyon.
Sa ngayon, sinabi ni Zarate na pag-aaralan nila ang fineprint ng resolusyong pinapirmahan ng SSS board kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pension increase.
Sakaling mapatunayan na taliwas ito sa SSS charter, dudulog na ang Makabayan Bloc sa Korte Suprema.
Muli namang igiinit ni Zarate na may ibang paraan para maitawid ang pension hike gaya ng pagsasaayos sa kolekesyon at pagtanggal sa non-performing assets ng SSS.