Ayon kay Batocabe, bukod sa kaniyang proposal na ‘vanity tax’ o mas mataas na buwis sa multi-billion beauty industry, marapat na rin aniyang ikunsidera ang pagbubuwis sa health supplements na talamak ang bentahan sa bansa.
Katwiran nito, ugat din ng kurapsyon ang bentahan ng health supplements.
Inihalimbawa nito ang ilang kumpanya na nanunuhol sa Food and Drugs Administration o FDA para lamang aprubahan ang bentahan ang health supplement.
Bukod dito, hindi rin gaanong nababantayan ang sektor na ito.
Desidido naman ang mambabatas sa pagsusulong ng kainyang panukalang ‘vanity tax’, sa gitna ng inaani nitong batikos, lalo na sa social media.
Ani Batocabe, mamili raw ang publiko, tataasan ang buwis sa produktong petrolyo na makakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng lahat ng mga tao, o pagbubuwis sa mga produkto at serbisyong pampaganda na hindi gaanong mararamdaman ng mayorya ng mga Pilipino.
Paniwala nito, magandang alternatibo ang vanity tax sa panukalang pagtaas sa excise tax.
Kung gustong-gusto raw ng gobyerno ng dagdag-buwis, huwag aniya ito kunin sa mga produktong petrolyo at sa halip, kumalap sa isang sector na hindi binubuhusan o nababantayan ng husto.