Pagdinig sa “bail petition” ni Sen Enrile sa SC, ipinagpaliban

Inquirer file photo

Bigong mapagbotohan ngayong araw sa Korte Suprema ang petisyon ni Senador Juan Ponce Enrile na humihiling na payagan siyang makapagpyansa sa mga kasong may kinalaman sa pork barrel scam.

Dahil dito, inaasahang sa susunod na linggo ay matatalakay sa deliberasyon ng Korte Suprema ang kaso.

Nagpasya ang mga mahistrado na huwag ituloy ang botohan sa kaso para bigyang daan ang pagpapatuloy ng oral argument sa kaso ng Torre De Manila ngayong araw.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Enrile na dapat siyang payagan na makapaglagak ng piyansa para sa kasong plunder dahil mahina naman ang ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.

Bukod sa hindi naman maituturing umanong flight risk si Enrile, hiniling din ng kampo ng senador na bigyan ng konsiderasyon ng Korte Suprema ang edad at kusang loob na pagsuko ni Enrile.

Kung pagbabatayan din ang edad ni Enrile na 90 anyos, ang parusa kung saka-sakali laban sa kanya ay reclusion temporal at hindi reclusion perpetua kaya dapat siya ay payagan na makapagpyansa. /Ricky Brozas

 

Read more...