3 fixers, sinampolan ng LTO

 

Sinampahan ng kaso ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlong “fixers” na naningil umano ng pera sa mga motorista at may-ari ng sasakyan para mapabilis ang transaksyon sa ahensya.

Ayon kay LTO chief Edgar Galvante, mga kasong estafa at paglabag sa antired tape law ang isinampa nila sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Rhoda Antonio, matapos umano siyang manghingi ng P20,000 mula sa isang operator ng van.

Siningil niya ng ganito kalaking halaga ang nasabing operator bilang kapalit ng pag-asikaso sa proseso ng pag-release sa kaniyang van matapos itong mahuli dahil sa pagiging colorum.

Samantala, kinasuhan naman si Eleanor Manalili matapos naman maningil ng P2,300 mula sa isang driver na magpapa-renew ng kaniyang lisensya, habang ang pangatlo naman ay si Dexter Laggui na tumanggap ng P900 mula sa isa pang motorista na nais tubusin ang nakumpiska niyang lisensya.

Ayon pa kay Galvante, ipinapatupad ngayon ng kaniyang ahensya ang “mailed-fist policy” laban sa mga fixers.

Ito ay nangangahulugang aarestuhin nila ang mga ito oras na mamataan silang nag-aalok ng kanilang serbisyo sa anumang opisina ng LTO sa buong bansa.

Mahaharap naman sa suspensyon at mga kasong paglabag sa civil service regulations ang mga empleyadong nakikipagsabwatan sa mga fixers.

Read more...