1,300 residente sa Davao del Norte, lumikas dahil sa baha

 

Mula sa Google Maps

Umabot na sa mahigit 1,300 na residente ang kinailangang lumikas mula sa apat na barangay sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte dahil sa pagbabahang dulot ng malakas na ulan.

Apektado ng flashfloods ang mga mabababang lugar ng Pag-asa, Maniki, Katipunan at Suaon dahil sa malakas na ulan sa Pantaron range, dahilan para umapaw ang tubig sa Libuganon River.

Ayon sa hepe ng Kapalong police na si Chief Insp. Michael Seguido, nasa 16 na kabahayan ang nalubog sa baha sa Brgy. Maniki, dahilan para suspindehin na ng lokal na pamahalaan ang mga pasok sa pre-school hanggang high school sa lahat ng mga apektadong lugar.

Idineploy naman na aniya nila ang kanilang mga tauhan, katuwang ang mga sundalo ng Bravo Company ng 60th Infantry Battalion para matulungan ang mga rescuers mula sa municipal disaster risk reduction management council sa pre-emptive evacuations.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, umabot na sa 1,392 na indibidwal o 293 na pamilya ang kanila nang nailikas.

Patuloy naman aniya nilang minomonitor ang sitwasyon lalo’t malakas pa rin ang ulan sa kanilang lugar hanggang alas-6:00 ng gabi.

Read more...