Kandilang ginagamit sa ‘pot session’ sanhi umano ng sunog sa Navotas

 

Kuha ni Angellic Jordan
Kuha ni Angellic Jordan

Isang kandila mula umano sa barung-barong na ginagamit bilang ‘drug den’ ang naging mitsa ng malaking sunog sa North Bay Boulevard-North, Navotas City Martes ng madaling-araw.

Ito ang lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang sunog na tumupok sa mga kabahayan kung saan nakatira ang mahigit-kumulang 1,200 pamilya.

Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio sa panayam ng Inquirer, naiwan ng mga gumagamit ng droga ang nakasinding kandila sa kanilang ‘drug den’ na naging dahilan ng malaking sunog.

Dahil gawa sa mga light materials ang mga kabahayan sa loob ng Navotas Fishport, mabilis na kumalat ang apoy.

Itinuturing din aniya nilang pinaka-notorious na komunidad ang lugar na tinupok ng apoy na ginagamit aniya bilang takbuhan at taguan ng mga kriminal at tulak ng droga.

Tinatayang umaabot sa 700 kabahayan ang naabo sa naturang sunog na umabot sa Task Force Charlie bago naapula ng mga kagawad ng pamatay-sunog.

Read more...