Ibinunyag ni Sen. Leila de Lima na isang source ang nakapagsabi sa kaniya na nakalabas na ng bansa ang isa sa dalawang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na umano’y tumanggap ng suhol mula sa casino tycoon na si Jack Lam.
Ayon kay De Lima, nalimutan lang niya kung sino sa dalawa ang tinukoy ng kaniyang source, pero lumabas na umano ito ng bansa kasama ang kaniyang pamilya.
Matatandaang ang dalawang nasabing opisyal na nadawit sa eskandalong ito ay sina Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles.
Tumanggap umano ang dalawa ng P50 milyon mula kay Lam upang hayaang makalaya ang mahigit 100 Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa casino ni Lam sa Pampanga.
Ayon pa kay De Lima, iimbitahan ng Senado sina Robles at Argosino, pati na rin sina Lam at Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa imbestigasyon nila kaugnay sa isyu.
Hinimok rin ni De Lima ang kaniyang mga kapwa mambabatas na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Lam na sinasabing umalis ng bansa mula pa noong November 29.
Aniya, dapat ipaaresto agad ng pamahalaan si Lam o kaya ay ipa-extradite ito sa Pilipinas.