Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang matugis ang mga suspek sa Nagmasaker sa walong tripulante ng F/B NR sa karagatang sakop ng Zamboanga City.
Ayon kay Philippine Coast Guard OIC Commodore Joel Garcia, nakipag ugnayan na sila sa Philippine Navy at iba pang law enforcement unit upang mahanap ang mga suspek na responsable sa krimen.
Natagpuan na rin ang limang nawawalang tripulante sa isang isla na bahagi ng Eleven Island na nakarating doon matapos lumangoy.
Hinarang ng mga armadong lalaki na sakay ng isang bangka ang F/B NR habang ito ay naglalayag sa bisinidad ng Siromon Island, 11 island Group, Zamboanga City dakong alas otso kagabi.
Ang dalawa anya na naunang nakaligtas ay nakilalang sina Nomar Sakandal at Ervin Banaan na siyang nagsumbong sa mga otoridad.
Tumalon anya ang pito sa dagat matapos silang tutukan ng baril ng mga suspek habang itinali naman ang walo saka pinagbabaril.
Hindi pa naman anya mabatid kung anong grupo ang responsable sa nasabing krimen pero hindi inaalis na mga miyembro ito ng Abu Sayyaf Group.
Idinagdag ni Garcia na 45 minuto na lamang ang layo ng mga biktima mula sa Zamboanga City Port.
Patuloy pa anya ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.