Natukoy na ng Philippine Coast Guard ang lokasyon ng lumubog na MV Starlite Atlantic na pag-aari ng Starlite Ferries Inc. sa karagatang sakop ng lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, base sa isinagawang survey ng hydrographic vessel ng National Mapping and Resource Information Agency may na-detect na malaking object na nasa 78 metrong lalim sa bisinidad ng Malajibomanoc Island sa Batangas.
Sinabi ni Balilo na kukumpirmahin pa ng mga divers kung ito nga ang lumubog na barko.
Pag-uusapan aniya ng coast guard at mga divers kung paano ang isasagawang pagsisid dito.
Nais anya nilang masisid kaagad ang barko upang mabatid kung nasa loob nito ang 18 nawawalang pa ring tripulante.
Mayroon din anyang na-detect na oil spill sa ilalim ng dagat subalit hindi naman ito mapanganib.
Lumubog ang nasabing barko sa kasagsagan ng bagyong Nina noong December 26, 2016 kung saan isa ang nasawi, 14 ang nakaligtas at 18 iba pa ang nawawala.