Umabot sa 2,235 na mga deboto ng Itim na Nazareno ang nilapatan ng lunas sa mga first aid station ng Philippine Red Cross (PRC).
Ayon sa update mula sa Red Cross, sa kanilang istasyon sa Liwasang Bonifacio nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga pasyente.
Karamihan sa mga pasyente o nasa 879 ang kinuhanan ng blood pressure.
Habang mayroong 479 na pasyente na nagtamo ng minor injuries gaya ng sugat o galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dumaing ng pananakit ng ngipin, pagkahilo, stiff neck, allergy at iba pa.
Walong pasyente naman ang itinuring na major case dahil kinabibilangan sila ng buntis, mayroong nanghina ang katawan, nahirapang huminga at nagtamo ng neck injury.
Labingdalawa sa mga nilapatan ng lunas ng Red Cross ay inirekomendang madala sa ospital kabilang ang pasyente na nakaranas ng pananakit ng tiyan, hypertension, bali sa katawan, nawalan ng malay, nakaranas ng seizure, nagtamo ng 2nd degree burn, at nanikip ang dibdib.