Walang nakikitang masama si Senador Koko Pimentel III kung tukuyin man ng mga mambabatas ang kanilang mga ‘pet projects’ upang maisama sa national budget.
Giit ng senador, walang problema sa naturang proseso hangga’t hindi pinakikialaman ng mga mambabatas ang implementasyon nito na siyang ipinagbabawal sa ilalim ng desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong 2013 .
Itinanggi rin ni Pimentel ang alegasyon nit Sen. Panfilo Lacson na humingi ng listahan ng mga proyektong nais nilang isulong ang Malacañang sa mga senador upang maisama sa P3.35 trilyong General Appropriations Act na popondohan ng hanggang P300 milyong piso bawat isa.
Wala aniyang masama kung tumanggap man ng mga rekomendasyon ang executive branch mula sa lehislatura lalo na kung bukas naman itong tumanggap ng mga suhestyon.
Una rito, iginiit ni Lacson na nagkaroon ng kuntsabahan sa pagitan ng mga mambabatas at Palasyo upang maisingit ang ‘pork barrel’ sa GAA.
Isang araw matapos niya itong banggitin, humingi ng paumanhin sa pamamagitan ng tweet si Lacson sa mga kapwa mambabatas dahil sa kanyang isiniwalat.
Gayunman, iginiit nitong sadyang mas mahalaga sa kanya ang pagsusulong ng adbokasiya na labanan ang pork barrel.