Sa kabila ng ilang beses at paulit-ulit nang paalala ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang environmental groups, maging ng simbahan sa mga deboto, sandamakmak na kalat pa rin ang iniwan ng mga ito kasabay ng pag-usad ng Traslacion ng Itim na Nazareno.
Tambak ng mga plastic na bote, pinaglagyan ng mga pagkain, maging mga lalagyan ng basura na may laman na ihi ang naiwang nagkalat sa mga kalsadang dinaanan ng mga deboto.
Bagaman taun-taon nang laging ganito ang nadadatnan pagkatapos ng Traslacion, kahit paano ay ikinatuwa naman ng EcoWaste Coalition ang pagiging “sincere” ng mga opisyal ng gobyerno, nongovernment organizations, pamunuan ng Simbahan at mga student volunteers, sa pagsusulong ng “trashless Traslacion.”
Pero sa kabila nito, ayon kay EcoWaste campaigner Ochie Tolentino, mistulang nabingi ang mga tao sa apela mismo ni Manila Mayor Joseph Estrada na huwag magkalat.
Nakakalungkot aniya na ilang mga deboto ang basta na lamang nag-iiwan ng kanilang mga basura sa kalsada, para hintaying ibang tao pa ang magpulot.
Giit ni Tolentino, dapat maging responsable ang publiko, partikular na ang mga deboto, sa maayos na pagtatapon ng kanilang mga basura.
Pinasalamatan naman ng EcoWaste ang Archdiocese of Manila Ecology Ministry sa paglalagay ng waste management system sa Rizal Park, pati na ang Philippine College of Criminology at iba pang parochial schools sa pagsasagawa ng cleanup drive.
Gayundin ang pasasalamat nila sa Department of Public Services ng Lungsod ng Maynila at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagde-deploy ng kanilang mga street sweepers sa ruta ng prusisyon.
Malaki rin anila ang naitulong ng mga mambobote o nangongolekta ng mga plastic na iniiwan ng mga deboto.
Ang pinakanapansin aniya nilang mga waste materials na nakakalat ay mga tirang pagkain, pinaglagyan ng pagkain, barbecue sticks, styro containers, plastic na bote, maduduming mga dyaryo at mga upos ng sigarilyo.