Mga kaalyado sa Kamara todo-suporta kay Robredo sa “Lenileaks” issue

Leni Robredo1
Inquirer file photo

Sa gitna ng usapin ng ‘LeniLeaks,” kitang-kita umano pagiging baluktot at praning ng Duterte administration.

Ito ang inihayag ng mga kaalyado sa Kamara ni Vice President Leni Robredo na nakakaladkad ngayon sa isyu ng LeniLeaks o usapan sa email kaugnay sa umano’y pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang itinanggi ni Robredo na may kinalaman siya sa anumang planong Duterte ouster.

Banat ni Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin, bakit kailangang maglabas sa publiko ng mga ‘hateful rumors’ o tsismis lalo na laban kay Robredo.

Ano rin aniya ang maidudulot na kabutihan kung sisiraan naman ang isang mabuting tao maliban na lamang kung intensyon talagang payapain ang kanilang takot at kawalan ng kapanatagan.

Tinawag naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na kathang-isip ang LeniLeaks.

Dagdag ni Baguilat, halatang gawa-gawa lamang ang LeniLeaks ng mga malilikot ang isip.

Panawagan na lamang ng mga Kongresista, ngayong 2017 ay marapat na magkaisa ang mga tao nang may ‘decency at tolerance’ at hindi nalulunod sa mga kasinungalingan at panlilinlang.

Read more...