Nasa 100 mga dating drug addicts na sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya ang lalahok sa traslacion ng Itim na Nazareno ngayong araw.
Sa panayam ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ng hepe ng Ermita police station na si Supt. Romeo Desiderio, nais nilang isulong ang dalawang uri ng pagbabago sa pamamagitan ng ganitong hakbang.
Ayon kay Desiderio, layon nilang baguhin ang pananaw ng publiko tungkol sa mga nalululong sa droga, at pati na rin ang pananaw nila sa kung ano ang ginagawa ng mga pulis sa mga sumusuko.
Nais rin aniya nilang ipakita sa mga gumagamit ng iligal na droga na kaya nilang magbago kung gugustuhin lang nila.
Makikilahok ang nasabing 100 na sumukong drug users sa traslacion na dadagsain rin ng mga milyun-milyong deboto.
Ani pa Desiderio, magsusuot sila ng puting shirts na may nakasulat na “Proud to be drug free” at “ISupportProjectDoubleBarrel.”