Inutusan ni Labor Sec. Silvestre Bello ang Alliance of Genuine Labor Organization (Aglo) Union na bumalik sa trabaho at igalang ang interpleader na kasalukuyang dinidinig ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang compulsory arbitration na nakasalang naman sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Ang Aglo ay kabilang sa dalawang naglalabang unyon ng DLTB Bus Company na nagresulta sa pagkaparalisa ng kanilang operasyon simula pa noong nakalipas na mga linggo.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng management ng DLTB Bus Company na malinaw na naipit lamang ang kanilang kumpanya sa agawan ng Aglo at ng DLTB Union (DLTBU) sa union dues.
Nauna nang sinabi ng naturang bus company na kinikilala nila bilang unyon ng kanilang mga empleyado ang DLTBU na miyembro ng Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO).
Noong August 25, 2015 ay sinaksihan ng PTWGO ang nilagdaang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa pagitan ng kumpanya at ng DLTBU.
Magugunita na ilang araw makaraang maganap ang strike ay limang mga bus ng DLTB ang sinunog sa Lemery, Batangas na umano’y kagagawan ng ilan sa mga nagwewelgang empleyado ng kumpanya.
Kaugnay sa naging kautusan ni Bello ay inaasahang magiging normal na ang operasyon ng DLTB Bus Company sa mga susunod na araw.