Mga hinuli sa Quiapo hindi kasapi sa Maute Group ayon sa MPD

Palanca1
Photo: Louie Ligon

Aabot sa animnapu’t walo katao na ang pinakawalan ng Manila Police District.

Ito ay matapos pagdadamputin ang 80 katao sa Islamic Center sa Palanca Street, Quiapo, Maynila kaninang 3:45 ng madaling araw.

Ayon kay Chief Inspector Ronald Andres, ang pinuno ng Warrant Section ng MPD, labing-isa katao na lamang ang nasa kanilang kustodiya ngayon at sumasailalin sa proseso ng profiling.

Sa walumpong naaresto, si Jamira Cabugatan ang mayroong warrant of arrest dahil sa kasong illegal possession ng drug paraphernalia at ilegal na droga.

Noon pang March 5, 2010 ang warrant ni Cabugatan at inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 44.

Sa mga naaresto, pitong menor-de-edad, limang kababaihan at dalawang senior citizen ang nadampot.

Gayunman, agad na pinakawalan ang mga ito matapos ang ilang pagtatanong.

Sinabi ni Police Chief Inspector Jay Calimlim Dimananal, hepe ng District Special Operation Unit ng MPD na regular na Oplan Galugad lamang ang kanilang ginawa kaninang madaling araw bilang bahagi ng paghahanda sa Traslacion ng Poong Nazareno sa Lunes.

Hindi aniya mga miyembro ng Maute Group ang mga dinala sa MPD Headquarters.

Inireklamo naman ni Mangudato Launte na isa sa mga dinampot na hinampas umano siya ng baril ng isa sa mga pulis sa tagiliran at pinosasan.

Si Launte ay animnapung taong gulang na at nagtitinda ng isda sa Quiapo.

Taga-Marawi siya at sampung taon nang naninirahan sa Islamic center sa Quiapo ayon sa kanyang pahayag sa media.

Wala umano siyang nagawa kundi ang sumama sa mga pulis ng sila ay bigla na lamang katukin sa kanilang bahay kaninang madaling-araw.

Sinabi naman ni Allah Aryong, pitumpu’t limang taong gulang na ito ang unang pagkakataon na dinampot siya ng mga pulis.

Si Aryong ay mga sakit na high blood at taga-Marawi City, tatlong taon na siyang naninirahan sa Islamic.

Photo: Louie Ligon

Read more...