Bukod sa 5,700 na mga tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ay tutulong din para sa maayos na Traslacion ng Poong Nazareno sa Lunes ang ilang sibilyan na empleyado ng pamahalaan.
Sinabi ni Interior Sec. Mike Sueno na magde-deploy din ng kanilang mga tauhan sa Maynila sa Lunes ang Department of Public Works and Highways at Department of Health.
Bukod pa ito sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na tutulong din sa paglilinis ng lugar at maayos na daloy ng trapiko.
Simula sa umaga ng Lunes ay magpapatupad din ng “no sail zone” ang Philippine Coast Guard sa ilang bahagi ng Manila bay at kahabaan ng Ilog Pasig sa may bahagi ng lungsod ng Maynila.
Nauna namang sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi rin papayagan ang paglipat ng mga sasakyang panghimpapawid sa mga lugar ng prusisyon.
Bawal din ayon sa CAAP ang pagpapalipat ng mga drone sa Maynila habang isinasagawa ang Traslacion.
Sinabi naman ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na bukas ay darating na sa Maynila ang ilang tauhan ng pulisya mula sa Region 3 at Southern Tagalog Region bilang dagdag na pwersa ng PNP sa gaganaping prusisyon.