Inanunsyo ng P2P Premium Bus Service na sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilan sa kanilang mga biyahe.
Partikular na binanggit ng P2P Premium Bus Service na suspendido ang kanilang mga biyahe papunta at mula sa SM North, Trinoma, Eton Centris at Glorietta 5, “until further notice.”
Samantala, sa tweet naman ng Department of Transportation (DOTr), ipinost nila ang pahayag ng LTFRB kaugnay sa pagsuspinde ng P2P.
Ayon dito, nag-expire na ang Provisional Authority ng Froehlich Tours Inc. Hanggang January 6 lang kasi ang ibinigay ng LTFRB na special permit sa Froehlich Tours para maging operator ng P2P service.
Umapela naman ang LTFRB sa mga mananakay ng P2P ng pag-unawa, kasabay ng panawagan sa pamunuan ng Froehlich na agad isumite sa kanila ang kanilang proof of payment ng 2015 Income Tax na validated ng bangko.
Tiniyak naman ng LTFRB na oras na masunod ng Froelich ang kanilang hinihinging rekisito, agad silang maglalabas ng Certificate of Public Convenience para sa kumpanya.
Samantala, sinabi naman ng P2P Premium Bus Service sa hiwalay na post na ang dahilan ng kanilang suspensyon ay isang “unreasonable complaint mula sa isang netizen.”
Kamakailan ay nag-post rin ang DOTr sa Facebook na inalertuhan nila ang Land Transportation Office (LTO) at ang LTFRB matapos mag-post ang broadcaster na si Alex Santos ng video kung saan makikita ang isang P2P bus na bumibiyahe nang walang plaka sa likod.
Dagdag pa ng P2P Premium Bus Service, tinitiyak nilang agad silang magbabalik operasyon oras na mapatunayan nilang mali ang akusasyon laban sa kanila.